ipinagmamalaki kong isa akong pilipino. kahit saan ako magpunta, kapag tinatanong ako ng mga tao kung saan ako galing, parating may ngiti ang pagsagot ko na galing ako sa pilipinas. kahit sa mga oras na may mga hindi magandang nangyayari sa pinas, di ko ito ikinahiya kahit kailan. oo, may mga oras na nadi-dismaya ako sa mga pulitiko natin na wala na lang ginawa kundi mangurakot. at may mga pagkakataon na nagdududa ako kung mababago pa nga ba ang kalagayan ng pilipinas. minsan din, nag-iisip ako kung mas mabuti pa nga bang manirahan na lang sa ibang bansa. pero naniniwala pa rin ako na ang pilipinas ay isa sa pinakamagandang bansa sa buong mundo. at ang mga pilipino ay isa sa mga pinakamabubuting tao sa balat ng lupa. nalulungkot ako kapag mayroon akong kaibigan o kakilala na nagsasabing ayaw na nilang umuwi ng pilipinas. o mas gusto pa nilang mabilang sa ibang lahi. nasasaktan ako bilang isang pilipino.
ipinagmamalaki kong pinalaki akong minamahal ko ang aking lahi. sa bawat paaralang pinasukan ko, itinatak ito sa aking isip at puso.
sa araw ng kalayaan ng pilipinas, nais ko sanang tunay na maging malaya ang mga pilipino. malaya sa mababang pagtingin ng ibang tao, at lalo na sa mababang tingin ng kapwa nating pilipino. nais kong maging malaya tayo sa kahirapan, na kaya nating mabuhay ng matiwasay ng dahil lang sa sipag at tiyaga, na hindi na natin kailangang mangibang-bansa para lang matustusan ang pangangailangan natin sa araw-araw. na maaaring maging matapat ng bawat tao dahil hindi nila kailangang mandaya o mangurakot para lang kumita ng pera. gusto ko sanang respeto ang salitang maging kakabit ng pagiging pilipino.
pilipino ako. at mahal ko ang aking lahi.
No comments:
Post a Comment